La Virgen de la Soledad de Porta Vaga---tinatawag ding REINA DE CAVITE. Ang tagapagtangkilik ng Lungsod ng Cavite, ay siya ring sakdalan ng mga Caviteño sa mahigit na tatlong siglo. At sa puso ng bawat tunay na caviteño, sa kanilang buhay pananampalataya, ay matatagpuan ang kanilang Reyna.
Ayon sa tradisyon, Daang taon na ang nakararaan nang isang gabing napakalakas na unos habang nagbabantay ang isang sundalong kastila sa pintuan ng Porta Vaga, isang nakakasilaw na liwanag ang kanyang nakita na nagmumula sa maalong karagatan ng Cañacao. Nagulat at natakot sapagka’t hinihinalang ito ay mga piratang Muslim, sumigaw ang sundalo ng “Alto! Alto! (Hinto!)”. Habang papalapit ang liwanag sa kanyang kinatatayuan, isang kaakit-akit at malambing na tinig ang nagtanong kung bakit hindi niya nakikilala si Maria at sinabihan siyang Siya’y kanyang paraanin. Ang sundalo ay buong pitagan at pakumbabang nanikluhod sa harap ng Mahal na Birhen. Kinaumagahan ng gabing iyon, isang nakakuwadrong larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad ang natagpuan sa pampang ng dagat, sa lugar kung saan nagpakita ang Mahal na Ina.
Sa mahabang panahon, maraming salaysay ang nasabi tungkol sa paraan ng pagdating ng larawan ng Mahal na Birhen sa baybayin ng Cavite. Maraming pagsasaliksik ang isinagawa upang itakda ang tiyak na petsa ng kanyang pagdating.
Natagpuan sa likod ng larawan na nakasulat: “A doze de Abril 1692 anños Juan de Oliba puso esta Stsma Ymagen Haqui.” Na ang ibig sabihin: ang banal na larawang ito ay inilagay dito ni Juan Oliba noong Abril 12, 1692. Gayun pa man, hindi isinasaad ang tiyak na petsa ng pagdating ng Mahal na Birhen. Ipinapalagay na ang nakasulat na petsa ay ang araw ng pagkaluklok ng Mahal na Birhen sa dambana ng Ermita de Porta Vaga noong ika-17 siglo. Ang mga nagmamahal na deboto ng La Virgen de la Soledad ay hindi sumang-ayon na idambana lamang ang larawan sa isa sa pitong simbahan sa Puerto de Cavite kung kaya’t napagpasiyahan nilang magtayo ng Ermita de Porta Vaga, isang kapilya na malapit sa pintuan ng Porta Vag, ang bakod na nagsisilbing pader sa pagpasok ng Puerto de Cavite. Sa mahigit na tatlong siglo, ito ang naging dambana ng Mahal na Birhen.
Ang pinagpipitaganang larawan ng La Virgen de la Soledad de Porta Vaga ay isang napakahalagang kayamanang ipinamana sa mga Caviteño mula sa kanilang mga “antepasados” (ninuno). Ayon sa ilang tao mula sa Antique Dealers Association of the Philippines, ang larawang ito ang pinakamatandang nananatiling larawan ni Maria dito sa bansa.
Si Maria ay inilalarawan bilang babaeng namimighati Si Maria ay nakadamit ng itim at puti, ay para bang nakaluhod habang pinagbubulay-bulayan ang paghihirap ng kanyang Anak. Nasa kanyang harapan ang koronang tinik at mga pako, na gamit sa pagpapahirap kay Kristo.
May mga tradisyong nagbibigay paliwanag sa larawan. Ayon sa matatanda, inilalarawan dito si Maria na namimighati habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang batang Hesus. Bago pa man isilang si Hesus, sinasabing nababanaagan na ni Maria ang sasapiting matinding pagpapakasakit ng Mesiyas, na naisulat nuong matagal na panahon ni Propeta Isaiyas. Ang isang debotong Hudyo na tulad ni Maria ay nakababatid sa mga kasulatan ng mga propeta.
Subalit ang pinakakilalang tradisyon ay yaong nagsasabing inilalarawan si Maria noong gabi ng unang Biyernes Santo. Dala ng matinding pighati, walang nagawa si Maria kung hindi ang manahimik sa kanyang pag-iisa at pagbulayan ang paghihirap at pagpapakasakit ng kanyang Anak.
Ang larawan ay pinta sa kanbas. Sa pagdami ng mga namimintuho, ang mga palamuti sa larawan ay nadaragdagan. Ang mga mananampalatayang Caviteño at mga mayayamang mangangalakal ng Manila Galleon Trade ay naghahandog ng mga mamahaling hiyas at ginto upang ipalamuti sa larawan ng Mahal na Birhen bilang tanda ng kanilang pasasalamat sa ligtas na pagbabalik mula sa paglalayag ng mga galleon at mga kalakal sa Cavite.
Ginamit din ng Arsobispo ng Maynila ang naturang larawan upang igawad ang pagbabasbas sa mga maglalayag na galleon sa Cavite patungong Mexico sa isang seremonya ng paghayo. Dahil dito, tinaguriang “Patrona ng mga Galleon” ang Mahal na Birhen ng Soledad.
Noong 1856, isang napakalakas na unos ang nagging sanhi ng pagbaha sa mga kabahayan, simbahan at paaralan sa loob ng Puerto. Ngunit ang Ermita at ang kapaligiran ng simbahan at natagpuang tuyo kung kaya’t sa nasabing kapilya sumilong ang mga tao.
Napakaraming mga himala ang nakamit sa pamamagitan ng La Virgen de la Soledad. Ang mahiwagang pagpapakita at di-maipaliwanag na pagdating ng larawan sa Cavite ay ang mga unang pagpapahayag ng kanyang mapaghimalang pamamatnubay. Nang nagkaroon ng unos noong 1830, tinamaan ng kidlat ang dambana ng Ermita na siyang dahilan ng pagkasunog ng altar at pagkawasak ng kapilya. Ngunit himalang hindi natupok ng apoy ang larawan ng Mahal na Birhen.
Taong 1857, isang kastilang barko na nakabase sa Cavite ang inabutan ng bagyo sa baybayin ng Rawis, Legaspi, na nagging sanhi upang mapadpad sa mabatong lugar at di makausad sa loob ng 22 araw. Isang tripolante ang nanalangin sa larawan ng La Soledad. Nang gabing yaon, nagpakita ang mahal na Briehng Maria. Tumaas ang tubig at lumakas ang ihip ng hangin na nagsilbing dahilan upang makaalis sa mabatong lugar at makapagpatuloy ng paglalayag.
Marami pang mga himala ang nakamit sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria sa paglipas ng panahon. Kabilang na ang mga pangkasalukuyang mga himala ng paggaling, pagpapanumbalik ng mga pamilya at paglutas ng iba’t ibang mga suliranin.
Ang magarbo at napakarangyang pagdiriwang ng kapistahan sa Cavite ay impluwensiya ng mga mayroong katungkulang kastila na naninirahan sa lumang Puerto.
Ayon sa matatandang Caviteño, ang karilagan at pinakamarangyang pagdiriwang ng kapistahan sa Cavite ay naganap noong panahon ng panunungkulan ni Don Juan Salcedo Y Mantilla de los Rios (1880-1886). Ang epidemya na naganap noong Oktubre 1882 ay napakatindi na nagging dahilan upang ipaantala ng Gobernador ang kapistahan hangga’t hindi nakakaahon ang Puerto sa pangyayari. At noong ika-20-21 ng Enero 1883, bilang pasasalamat sa Mahal na Birhen, ipinagutos ng Gobernador na ipagdiwang ang kapistahan ng buong dingal. Nagpadala ng liham sa lahat ng mga nanunungkulan sa buong lalawigan at ipanag-uutos ang pakikilahok sa nasabing pagdiriwang. Sa araw ng kapistahan, ang mga kampana ng iba’t ibang simbahan sa Puerto ay masayang ipinapatunog at ang pasalba ng mga kanyon mula sa Royal Fort ng San Felipe ay maririnig sa araw ng pagdiriwang. Ang gobernadorcillos ng lahat ng bayan sa Cavite kasama ng kanilang mga opisyales (tenientes mayors, jefes de policies, ganados, sementeras, tenientes, cabezas de Barangay at aguaciles) na suot ang kanilang makukulay at magagarang uniporme ayon sa kanilang katungkulan ay dumalo kasma ng kani-kanilang mga banda. Lahat ng mga daanan ng Puerto ay napapalamutian ng mga naggagandahang arko. Nakasabit din ang mga samu’t saring kulay ng mga banderitas. Ang Calle Real ay nagliliwanag dahil sa mga palamuting kristal at makukulay na parol na tinatawag na globos, virinas at bombas. Ang mga daan patungong Ermita ay kinakikitaan ng mga sedera o mga pansamantalang tindahan na kung saan ay makabibili ng mga samu’t saring mga bagay.
Nobyembre 17, 1978 nang maganap ang Canonical Coronation ng Mahal na Birhen ng Soledad sa ngalan ng kanyang kabanalan, Papa Juan Pablo II sa pamamagitan ng Apostolic Nuncio sa Pilipinas, lubhang kagalang- galang Bruno Torpigliani. Ang kanyang Kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing ika-2 at ika-3 Linggo ng Nobyembre kada taon.
PANALANGIN NG KAHILINGAN SA MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD
Oh kabanal- banalan at nahahapis na Birhen ng Soledad, ikaw na nagbantay sa may paanan ng Krus at nakamasid sa paghihingalo ng Iyong Anak, Ikaw na nag-iisa at nangungulila samantalang buong pagmamahal kang nakatunghay sa koronang tinik at mga pako na siyang dahilan ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Iyong Anak. Kami ay abang nakaluhod sa Iyong harapan upang magbigay galang sa Iyong mga hapis at maghandog ng kahilingan, puno ng pananalig sa santuwaryo ng Iyong sugatang puso. Ihandog mo, isinasamo namin, ang kahilingang ito kay Hesukristo alang-alang sa mga kapakinabangan ng Kanyang banal na pagpapakasakit, kalakip ang Iyong mga hapis sa paanan ng Krus, at sa buong bisa nito ay ipagtamo sa amin ang biyayang hinihiling namin.
(dito titigil sumandali at babanggitin ang mga kahilingan)
Kanino pa ba kami dudulog sa gitna ng aming mga pangangailangan at paghihirap kundi sa Iyo, o Ina ng awa? Ikaw na lumagok sa kalis ng Iyong Anak at may pusong maawain sa mga hinaing ng mga naglalakbay pa sa bayang ito ng hapis. O Mahal na Ina, na ang kaluluwa’y pinaglagusan na sundang ng hapis sa pagkakita sa pagpapakasakit ng Iyong Anak, ipanalangin mo kami at ipagkamit sa amin mula kay Hesus ang aming mga kahilingan kung nauukol sa lalong ikararangal at ikaluluwalhati Niya at sa kagalingan ng aming kaluluwa. Siya nawa.
(Ang orihinal na larawan ng Soledad sa loob ng antigong kamagong kuwadro nito.) |
(Ang Ermita ng Porta Vaga) |
(Ang Ermita ng Porta Vaga) |
(Ang Virgen sa isa sa mga Misa Tridentina sa Kanyang karangalan.) |
(Ang lumang altar ng San Roque) |
(Ang lumang altar ng San Roque) |
(Ang lumang simbahan ng San Roque: ESTA ES CASA DE DIO, PUERTA DEL CIELO) |
(Pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Soledad noong 1948. Masdan ang maliwanag na facada ng simbahan.) |
No comments:
Post a Comment