Thursday, April 29, 2010

2010 COFRADIA OUTREACH PROJECT


Taon-taon ay nagdadaos ang kasamahan ng Cofradia de la Virgen de la Soledad de Porta Vaga, Inc. ng OUTREACH project sa mga institusyon na nangangalaga sa mga bahagi ng lipunan na inabandona o nangungulila ng mag-isa.  Ito ay bilang bahagi ng gawain ng patuloy ng pakikiramay at pakikidalamhati sa pag-iisa ng Mahal na Birhen ng Soledad.  Sa nakaraang dalawang taon, pinili ng pamunuan ng Cofradia ang SAN LORENZO HOME FOR THE ELDERLY sa Pasay City upang tulungan, samahan at aliwin bilang bahagi ng pagmimisyon ng bawat kasapi.



Pebrero 21, 2010 ng tumulak ang ilang kasapi ng samahan sa nasabing lugar upang mamahagi ng mga kagamitang kinakailangan ng mga residente doon.  Sila rin ay nagdala ng payak na tanghalian upang pagsaluhan sa kasamahan ng mga nakatatanda.  Tunay na naka-aantig at nakapupukaw ng damdamin ang makita ang kanilang mga abang kalagayan.  Sa dalawang taon ng pagmimisyon ng Cofradia sa nasabing lugar, nadarama ng mga kasapi ang sakit ng pag-iisa gaya ng sa Mahal na Birhen nung unang Viernes Santo.  Sa gawaing ito, naiintindihan natin ang bawat hapis na Kanyang dinanas kung kaya't sa ating panahon ngayon, atin itong dinadamayan sa pamamagitan ng ating pagtulong sa ating kapwa na nasasadlak sa gayon ding kalagayan.

(Si Bro. Nonie Gamboa, PRO ng Cofradia, at ang ibang kasapi,
habang tinitingnan ang mga likhang produkto ng mga residente ng shelter.)

(Ang mga nakatatandang kasapi ng Cofradia
kasalo ang mga residente ng shelter.)



(Isang Kabitenyo na residente ng Shelter ang nag-pray over sa isa sa mga kasapi ng Cofradia.  Nakatutuwang isipin na ang lolo na ito ay nakakapag-salita ng Chavacano- ang lokal na dialekto sa Cavite city)

(Ang Ikalawang-Pangulong Panloob, Gng. Norma Peña kasama ang isang resdente ng shelter.)

(Ang mga kasapi at opisyal ng Cofradia bago umalis ng shelter)

(Ang mga kasapi at opisyal ng Cofradia bago umalis ng shelter)

Wednesday, April 28, 2010

Ang Taunang PABASA PARA LA REINA


Taon-taon, tuwing Unang Sabado ng kuwaresma, ginaganap ang PABASA PARA LA REINA, para sa karangalan ng Mahal na Birhen ng Soledad ng Porta Vaga.  Ito ay iniiikot sa iba't ibang tahanan ng mga kasapi ng samahan kung saan ginaganap ang tradisyunal na PABASA ng Pasiong Mahal.  Ngayong taon, 2010, ang nakatakdang Hermana ng Pabasa ay ang dating Ingat-Yaman ng samahan na si Gng. Grace Garcia-Viray. Sinimulan ang Pabasa noong Pebrero 19, sa pamamagitan ng tradisyunal na Rosario Español at nagtapos ito kinabukasan, Pebrero 20, sa pamamagitan ng Banal na Misa na pinangunahan ng ating mahal na Patnugot, na si Reb. Pd. Virgilio Saenz Mendoza.  Kasama sa mga nakiisa sa nasabing pagdiriwang ay ang iba't ibang parokyano ng San Roque at ang Parochial Vicar na si Reb. Pd. Armand Timajo.


Ang pagbabasa ng Pasiong Mahal sa piling ng Reina ng Kabite, ay ang ating pagsang-ayon na tunay ngang ang Birhen ng Soledad ay isang DOLOROSA, at sa pamamagitan ng banal na gawaing ito, ating siyang sinasamahan sa kanyang pagdadalamhati.  Tayo ay nakikiramay sa Kanyang mga hapis habang kasama niya, ay pinagbubulay-bulayan ang Dakilang Misterio Pascual na handog sa para sa ating lahat ng Kanyang nag-iisang Anak na si Hesus.




Sa susunod na taon, 2011, gaganapin ang Pabasa sa tahanan ni Gng Lorna Caymol, San Antonio, Cavite city.  Hinihikayat ang lahat ng mga deboto ng Soledad at mga kasapi ng Cofradia na patuloy na tangkilikin ang nasabing gawain para sa higit na ikalalakas at ikatatatag ng debosyon sa tunay at nag-iisang Reina ng Kabite---ang ating Luz de Filipinas.



(Ang mga kasapi ng Cofradia habang naghihintay sa pagsisimula ng Banal na Misa)

Ang Pagbabalik ng PROCESION DEL SILENCIO


Sa biyaya ng Panginoon at sa mabisang pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Soledad, muling ibinalik ngayong taon na ito (2010) ang matandang tradisyon ng Procesion del Silencio na ginaganap tuwing Viernes Santo matapos ang prusisyon ng paglilibing.  

(Photos courtesy of Percy Carballo)
(Photos courtesy of Percy Carballo)
 Gaya ng ating nalalaman, ang MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD ay ang yugto sa buhay ng Mahal na Birhen sa gabi ng unang Viernes Santo.  Matapos masaksihan ang karumaldumal, at kalunos-lunos na pagkamatay ng Kanyang nag-iisang Anak, pinili ng Mahal na Ina ang manatiling tahimik at nag-iisa sa pananalangin habang pinagbubulay-bulayan ang dakilang misterio-Pascual ng Kanyang Anak bilang buong pananabik Niyang hinihintay ang maluwalhating muling pagkabuhay nito.  Sa pagdadaos ng gawain ng Procesion del Silencio, ating sinasamahan ang Mahal na Ina sa mga sandaling ito, at sa Kanyang maka-Inang pag-gabay at pagkalinga, tayo ay nakiki-isa at nakikiramay sa Kanyang pagdadalamhati habang nananabik din tayo sa pagdiriwang ng pagkabuhay ni Hesus sa ating mga naliligaw, nakalilimot at nanlalamig na puso.


(Photos courtesy of Percy Carballo)


Sa muling pagbabalik na ito, muling naatasan ang Cofradia de la Virgen de la Soledad de Porta Vaga, Inc. upang mamuno sa taunang gawaing ito. Maraming Salamat sa pagtitiwala at suporta ng kasalukuyang Kura Paroko na si Reb. Pd. Cesar R. Reyes, Jr. sa dakilang privilegio na ginawad sa samahan.  Nakatutuwang isipin na kahit halos sampung (10) taong itinigil ang nasabing tradisyunal na gawain, ay marami pa din ang di nakalimot at taos-pusong nakiisa sa napakagandang gawaing ito.  Maraming mga deboto mula Maynila at mga karatig na pook ang dumayo pa sa Cavite city upang sumama dito.  Sa mga susunod na taon, inaasahang mas lalong mapagbubuti at mapagyayabong ang nasabing gawain na tulad pa sa noong araw.  Hinihiling ang lahat ng mga deboto ng Mahal na Birhen ng Soledad na patuloy nating ipanalangin ang Kanyang COFRADIA upang magampanan nito ang mga misyon na iniaatang sa kanila ng Inang Simbahan. VIVA LA VIRGEN! 

(Photos courtesy of Percy Carballo)

(Photos courtesy of Percy Carballo)
(Photos courtesy of Percy Carballo)