Wednesday, April 28, 2010

Ang Pagbabalik ng PROCESION DEL SILENCIO


Sa biyaya ng Panginoon at sa mabisang pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Soledad, muling ibinalik ngayong taon na ito (2010) ang matandang tradisyon ng Procesion del Silencio na ginaganap tuwing Viernes Santo matapos ang prusisyon ng paglilibing.  

(Photos courtesy of Percy Carballo)
(Photos courtesy of Percy Carballo)
 Gaya ng ating nalalaman, ang MAHAL NA BIRHEN NG SOLEDAD ay ang yugto sa buhay ng Mahal na Birhen sa gabi ng unang Viernes Santo.  Matapos masaksihan ang karumaldumal, at kalunos-lunos na pagkamatay ng Kanyang nag-iisang Anak, pinili ng Mahal na Ina ang manatiling tahimik at nag-iisa sa pananalangin habang pinagbubulay-bulayan ang dakilang misterio-Pascual ng Kanyang Anak bilang buong pananabik Niyang hinihintay ang maluwalhating muling pagkabuhay nito.  Sa pagdadaos ng gawain ng Procesion del Silencio, ating sinasamahan ang Mahal na Ina sa mga sandaling ito, at sa Kanyang maka-Inang pag-gabay at pagkalinga, tayo ay nakiki-isa at nakikiramay sa Kanyang pagdadalamhati habang nananabik din tayo sa pagdiriwang ng pagkabuhay ni Hesus sa ating mga naliligaw, nakalilimot at nanlalamig na puso.


(Photos courtesy of Percy Carballo)


Sa muling pagbabalik na ito, muling naatasan ang Cofradia de la Virgen de la Soledad de Porta Vaga, Inc. upang mamuno sa taunang gawaing ito. Maraming Salamat sa pagtitiwala at suporta ng kasalukuyang Kura Paroko na si Reb. Pd. Cesar R. Reyes, Jr. sa dakilang privilegio na ginawad sa samahan.  Nakatutuwang isipin na kahit halos sampung (10) taong itinigil ang nasabing tradisyunal na gawain, ay marami pa din ang di nakalimot at taos-pusong nakiisa sa napakagandang gawaing ito.  Maraming mga deboto mula Maynila at mga karatig na pook ang dumayo pa sa Cavite city upang sumama dito.  Sa mga susunod na taon, inaasahang mas lalong mapagbubuti at mapagyayabong ang nasabing gawain na tulad pa sa noong araw.  Hinihiling ang lahat ng mga deboto ng Mahal na Birhen ng Soledad na patuloy nating ipanalangin ang Kanyang COFRADIA upang magampanan nito ang mga misyon na iniaatang sa kanila ng Inang Simbahan. VIVA LA VIRGEN! 

(Photos courtesy of Percy Carballo)

(Photos courtesy of Percy Carballo)
(Photos courtesy of Percy Carballo)

No comments: